Sa ating Pagkakaiba

Isa na marahil sa pinakamalaking pagsubok sa isang tao ang kilalanin kung sino siya bilang isang nilalang. Kalakip na rito ang alamin kung ano ang kanyang mga kakayanan, limitasyon, pangarap, layunin at responsibilidad sa kanyang sarili at lipunan. Subalit, isipan mang madali itong gawin, sa pagtuklas niya sa kanyang sarili ay kailangang suungin niya ang maraming pagsubok na hindi lamang magpapahina sa kanya kundi maglalayo rin sa kanya sa katotohanan. Isa na rito ang pagkalito kung dapat bang siya'y maiba o maging katulad ng iba. Marami nang pagkakataon na ako'y natawa sa mga katagang "sana'y katulad niyo ako" o kaya'y "mabuti pa siya". Hindi ko matanto ang dahilan kung bakit aaksayahin ng isang tao ang kanyang oras upang maging isang huwad na siya. Hindi ko rin mawari kung bakit hindi niya makita ang kahalagahan ng kaniyang pagiging iba. Marahil ay dala ito ng kanyang mga pagdududa sa kaniyang pagkatao o dahil sa pag-aakalang may mga taong nakalalamang sa kaniya. Ang tanong nga lang, nakalalamang ba? Paano nga bang nakalalamang ang isa sa iba? Masasabi bang nakalalamang ang taong maraming pera o kaya'y maputi't maganda sa taong dukha? Tayo mismo ang nagtakda ng pamantayan upang maging sukatan ng kung ano ang isang tao. Kung sa akin lang, naniniwala akong binigyan tayo ng natatanging kakayahang bukod tanging atin lamang roon lamang ng pagkukumpara dahil sa mga pinili nating landas ay may mga taong nagtatagumpay ng higit sa nakararami. Sa aking pananaw, kailanma'y hindi maaring masukat at ikumpara ang pagkatao ng isang tao. Kakatwang isipan na sa pagpupumilit nating gayahin ang ibang tao ay lalo nating binibigyang diin ang pagkakaiba-iba natin. Dahil sa pilit nating binabago ang ating sarili upang maging bahagi ng lipuan, nagkakaroon tayo ng sarili nating depenisyon ng kung ano ang mabuti at maganda. Nakalimutan nating kailanma'y hindi maaring maging mansanas ang mangga o di kaya'y maging rosas ang sampaguita. Di natin pansin na maging ang sarili nating depenisyon ang nagbabago sabay ang pagbabago ng mundo.  Dahil dito nagkakaroon ng lamat ang ginagwa nating "perpektong" mundo na siya ring sanhi ng di pagkakaunawaan sa ating lipunan. Dahil sa tingin lang pananaw ang tama, nawawalan ng respeto ang tao sa persepsyon ng ibang tao sa buhay. Aminin na natin, maski ako ay di kailang nanghusga na ng taong sa aking tingin ay di ayon sa aking itinakdang batayan. Unti-unti nating binabago ang ating sarili hanggang dumating sa puntong maski ang totoong tayo ay nakakalimutan na natin. Kung tatanungin ko kayo kung sino kayo, marahil ay malilito kayo o mahihirapang sagutin ako. Ito ay dahil sa iminolde niyo ang inyong sarili sa batayan ng lipunan. Kung ibabalik niyo naman ang tanong sa akin, ang isasagot ko'y ako na orihinal at natatanging ako sa mundong ito. Nais kong bigyan niyo ng pagpapahalaga ang pagiging kayo. Bigyan niyong importansya ang pagkakaiba niyo dahil patunay ito ng inyong pagiging espesyal. May mga bagay na tanging kayo lang ang makakagawa, mga karakter na kayo lang ang makakaganap. Sa paglalakbay natin sa mundo upang alamin ang tunay na tayo, malalaman natin na kaya nating makibagay at makiayon sa panahon ngunit hindi sa puntong mawalay sa kung sino tayo bilang tao. Hangarin nating maging modelo o isang ehemplo ng isang mabuting tao ngunit ingatang huwag humusga sa kung ano ang mabuti't maganda. Responsibilidad nating pagbutihin ang ating sarili at maging mabuting parte ng ating lipunan. Kailangan nating tanggapin na tayo'y magkakaiba. Yakapin mo kung sino ka. Bago ko tapusin ang mensahe ko, nais kong tandaan niyong sa panahong wala nang nakakaalala sa inyong pangalan ay saka niyo lamang malalaman kung sino kayo bilang tao. Para sa akin, ayokong maalala bilang "isa sa kanila" kundi "ang nag-iisa't bukod tanging siya."

-JONA V.PLIMACO

Comments

Popular posts from this blog

Bag o nga Henerasyon

Kahirapan